"Paano mo mapapadali ang pagkuha ng permit kung mabagal ang pag-i-issue nito?" ani ni Ka Kolektor.
"Hwag po kayong mag-alala, ser, kumpare ko yung assistant nung head nung government agency," sabi ni Mang Lalagay.
"Balita ko eh hindi lang mahigpit kundi malupit pang magbantay at matinding magpatupad si Kabesa." "Sigurado ka bang makakalusot ang ating modus operandi?," dugtong ni Ka Kolektor.
"Ayos na po, ser," sabat ni Mang Lalagay. "Ako ang nagbayad sa matrikula nang isa sa mga anak ni kumpareng assistant, na inaanak ko, at pinsan ko yung asawa niya. Saka may conference na dinaluhan yung head nila ngayon sa Kuala Lumpur. Walang pong sagabal, tiyak yon."
"Ganoon ba?" ani ni Ka Kolektor. "Ok. Basta kapag nabuking ha, nasa Batanes ako at may ipina mumudmod na de lata at bigas. Tandaan mo, idi-deny ko ito, Mang Lalagay. Wala dapat akong sabit. Maraming babagsak kapag nadamay at nalabas ang pangalan ko," dagdag na paliwanag ni Ka Kolektor.
"Akong bahala, at wala pong dapat ikabahala, ser," sabi ni Mang Lalagay.
"Ngayon naman, paano naman yung kontrata ko sa Geo extraction projects? Nabasbasan na ba ang contract granting authority (CGA)? May nakapagsabi sa akin na padadaain daw ito sa public bidding. Handa na ba yung round trip paid vacation with allowance para sa CGA et al?," tanong ni Ka Kolektor.
"Sure thing na, Ka Kolektor," ani ni Mr. Behind-the-Scene. "Wala na ring problema sa issue ng Eminent Domain kasi nakita na yung side natin sa benepisyong makukuha nila sa pagpayag na pag-aralan at pag-exploit ng isa sa mga proctected tribal areas nila.
"Good," malumanay na bigkas ni Ka Kolektor. "Hangga't protektado ng Saligang Batas ang domestikong pagmamay-ari ng mahigit anim na pung porsyento ng pag-aari ng anumang kumpanya sa Filipinas," sabi ni Ka Kolektor, "protektado rin tayo sa ating mga ginagawang kalokohan at walang magiging efficiency sa ating ekonomiya dahil ang Saligang Batas, sa madali't sabi, ay patuloy na magiging pinakamalakas na sagabal sa tunay na market competition, at kung gayon innovation, sa ating ekonomiya."
"Kung matututo at masasanay tayong tumayong mag-isa gamit ang sarili nating mga paa, at tatanggalin natin ang natatanging na sagabal na iyon, uusbong, sasagana, at masisiguro natin sa susunod na henerasyon ang pagyabong na makakabuti at makakapagpataas sa GDP per capita income ng bawat Filipino at makapagbibigay ng kakayahan sa mga lokal at pribadong korporasyon dito sa Filipinas na makipagsabayan sa anumang kompetensya sa pandaigdigang kalakalan," dagdag ni Ka kolektor.
"Gayon pa man, hangga't walang masyadong pagbabago, kailangan munang kumita sa anumang pamamaraan," sabi ni Ka Kolektor.
"Ano po, ser?" tanong ni Mang Lalagay.
"Hindi ko na ito ipapaliwanang sa iyo dahil hindi mo ito maiintindihan, Mang Lalagay," ani ni Ka Kolektor.
"Yes, po, ser," walang muwang na tumango si Mang Lalagay.
"Mr. Behind-the-Scene, i-arrange mo ang meeting ko kay kay Rep Rip Off," utos ni Ka Kolektor.
"No problem, Ka Kolektor," sabi ni Mr. Behind-the-Scene. "Nasa payroll na po natin siya."
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment